Ang gulo ng utak ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin. Mukhang mahuhulog na naman ako sa bangin. Ang hirap naman kasi tawirin ng baliko at marupok na daan patungo sa kabilang dako. Siguro mahina lang talaga ang loob ko. Hindi ko kinayang panindigan ang paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko. Lagi ko lang itong isinasantabi, tinutulak sa likod ng utak ko kung saan naiipon ang bukbok at alikabok. Kung saan ang mga bagay ay biglang nalilimot.
At ngayon, kailangan ko nang harapin ang bagay na minsang nilimot. Sinabi kong hindi ito mangyayari dahil alam kong hindi pwede. Pero wala nang hadlang. Wala namang hadlang. Liban sa mga pusong sugat-sugat, na wari ko'y nakikipagsayaw pa rin sa isa't isa. Nakakatakot matangay sa ritmo ng kanilang sayaw. Baka kapag napahawak ako sa isang kamay, hindi na ako makabalik pa.
Minsa'y bumalikwas ang tingin ko tungo doon sa direksyon mo. Sana'y naglalaro lamang ang aking imahinasyon nang maramdaman ko ang pagkabog ng dibdib ko. Sana rin ay hindi sing-lalim ng inaakala ko ang kapit mo sa akin.
Pero ayun, ibabato ko na lang sa hangin ang sana'y sasambitin kong mga salita sa iyo. Para hindi ako mahulog sa isa na namang patibong, na ginawa ko rin para sa sarili ko.
No comments:
Post a Comment