Wednesday, August 8, 2012

Espasyo

Gumising akong wala ka na.
Hinaplos ko ang malaking bahagi ng kama,
malamig, parang hindi man lang natulugan.
Inayos ko ang sarili kong nakahiga sa espasyong sana'y iyo.
Dinama ko ang sana'y haplos mo,
tinanaw ko ang sana'y tingin mo.

Wala ka.
Sumisirit na naman ang sikat ng araw sa kurtina,
mainit ito at nakakaasiwa.
Nagbabanta ito ng isa na namang dalawampu't apat na oras
na di ka masisilayan.
Dilat ang mata ko ngunit di ko makita ang hinaharap.
Pagpikit ko nama'y babalutin ako ng kadiliman.

Sinubukan kong magbilang ng tupa, sinubukan kong
patalunin sila. Ngunit maging ang mga tupang ito'y
tinitingnan ako, nakatagilid ang ulo, may mga matang
nangungusap.
Di ko lubos matanto ang nais ipahiwatig ng mga
ligaw na hayop. Tumitigil sila't hinahanap ang aking mga mata,
ngunit hindi nababali ang kanilang malay sa aking mga utos.

Hibang na ba ako?

No comments:

Post a Comment