Muli kitang nasilayan.
Sadyang dinayo kita sa iyong himlayan.
Ngunit di ko sukat-akalaing ganito ang kahihinatnan.
Muli kitang binuklat,
muli kong binagtas ang mga pahina mo,
muli kong nadama ang pagkabog ng dibdib ko.
Muli kitang nahawakan.
Muli kong narinig ang mga salitang sinabi kong di ko malilimutan.
Muli kong naamoy ang isang alaalang kasama ka nung minsan.
Hindi ko sinasadya.
Hindi ko napansin.
Nawala sa aking isipan ang dati'y nangingibabaw.
Ganito pala talaga sa buhay,
nalilimutan natin ang mumunting mga bagay,
mga pangako sa sariling sinambit noong minsan.
Umibig ako noong minsan,
isang pag-ibig na pumukaw sa damdamin,
at nilamon akong tunay.
Iniibig ko pa rin ang sinta noon,
ngunit ang porma ng pag-ibig,
sadyang nagbabago sa daloy ng panahon.
Nalimutan ko yata,
ang minsa'y sinumpa,
ang minsa'y sinulat makailang ulit pa.
Sintang dalisay, ako'y patawarin.
Ako'y nalunod sa sariling buhay,
ako'y pansamantalang nilamon ng ibang bagay.
Sadyang nilamon lamang ng tunay na buhay,
muli't muli'y babalikan ka,
siyang tunay, at muling ididikit ang pluma sa papel.
No comments:
Post a Comment