Paulit-ulit ang pagsambit ko ng mga salitang alam kong narinig mo na noon. Halos linggu-linggo ay kinakamusta mo ang kalagayan ko. Ang hirap yata ng pinaplano ko. Natatakot ako sa kahihinatnan ng magiging desisyon ko. Napapagod na ako sa mga nangyayari. Hindi ko na maisip kung paano ako makakabalik sa kung ano yung dati. Yung hindi pa nagbabago ang kahit ano. Nung hindi pa nabubuksan ang kahon ng mga lihim na alam naman ng lahat. Aaminin ko naman kasing ako yung tipo ng tao na pag may sama ng loob, labis ang pagdidibdib. At yung pagdibdib na ito ay nakakasama rin sa pakikitungo ko sa ibang tao. Gaano man kaliit ang naging problema, sa akin, mahirap nang ayusin yung nadaplisan na ng maling mga salita. Pilit ko namang binabago ang baluktot kong lohika. Dapat pa rin namang manaig ang pag-ibig, hindi ba? Maaari namang buuin muli ang basag-basag na. Tahiin ang luray-luray na. Hindi nga lang ito magiging sing-rikit ng nakasanayan na natin.
Mabigat na pasanin ang dala ko sa ngayon. Hindi ako nagrereklamo. Masakit lamang sa loob ko na gawin ang mga naiisip kong gawin. Minsan naitatanong ko sa sarili ko, ano ba dapat kong unahin? Yung sarili ko ba, dahil nauubos na ako? O ang iba, dahil kailangan nila ako? Pero, kailangan nga ba nila ako?
No comments:
Post a Comment