Naglalakad ako sa dalampasigan. Nakikipaglaro sa mga alon, nakikipagtinikling sa haplos ng tubig sa buhangin. Isang taon na ang dumaan mula nang huli kong sambitin ang mga salitang naglayo sa iyo sa akin. Hindi pa kita nasisilayan ulit. Isang taon kong hinintay na magbago ang isip mo. Ngunit hindi yata talaga tayo para sa isa't isa.
Isang taon na rin ang lumipas mula noong mangako kang papanoorin natin ang bukang-liwayway, na tititigan natin kung papaanong lalamunin ng bagong umaga ang lumang gabi. Sinabi pa nga natin na kakabisahin natin ang pag-iiba ng kulay ng langit. Nasaan ka kaya? Napawi ng alaalang ito ang pagod at antok ko. Hinayaan kong dalhin ako ng mga paa ko doon sa malapit sa iyo, sa huling sariwang alaala ng ikaw. Doon sa mabatong bahagi ng dalampasigan.
Alas tres na ng umaga. Nakaharap ako sa dagat na tila nang-aasar, na parang may alam siyang lihim ko. Pinaigting pa niya ang lamig na ramdam ng puso ko. Napangiti ako, at nadama ko ang unang patak ng luha ko. Nanlumo ako. Napaluhod sa buhangin at hinayaan akong lamunin ako ng alon. Marahil, maitatago ng alat ng dagat ang pait ng luha ko. Marahil mahuhugasan ng tubig ang puso ko at tsaka niya tatangayin ang pag-ibig na laman nito at dadalhin sa malayo. At marahil ang bagong umagang parating ang bagong simulang hanap ko.
Ngunit tuso ang pag-ibig, ang tadhana, at ang panahon. Ang paghimlay ko sa buhangin ang siyang naging pagpasok mo. Nakapikit ako at patuloy sa pagluha nang may humaplos sa pisngi ko. Natakot ako sa larong ginagawa ng utak ko. Masyado atang malayong mangyari na ang nasa tabi ko'y ikaw. Pero nang imulat ko ang mga mata ko, ayan ka nga sa tabi ko. Nakaluhod at nakayuko. Nakatitig sa mga mata ko. Ang mga mata mo'y nangungusap, para bang humihingi ng tawad, para bang nagbibigay ng paliwanag, para bang naghahanap ng galit na hindi matatagpuan kahit saan. Pero wala akong masabi at wala akong magawa kundi ang ipagpatuloy ang pagluha.
Tinabihan mo ako. At paulit-ulit na sinasambit ang mga salitang, 'Sorry na.' Niyakap mo ako't hinila papalapit sa iyo. Nanatili tayong magkayakap at nakatitig sa isa't isa. Nalamon na ng liwanag ang dilim. Heto tayo, binabati ng bagong gising na araw. At ang tanging tumatakbo sa isipan ko, ano na nga kaya ang susunod na mangyayari?
No comments:
Post a Comment