hindi ko na alam kung makailang beses kong isinara ang libro natin para lamang buksan itong muli. hindi ko na alam kung ilang pagkakataon ang hiningi natin para magkaayos muli. hindi ko na alam kung ilang beses mo akong tinulungang pulutin ang bawat piraso ng puso kong durog-durog para lamang bitawan ulit ito. hindi ko na alam kung saan nanggagaling ang lakas ko para masabing mahal pa rin kita at ang bawat hibla ng pagkatao mo.
nangungulila ako, mahal, sa mga haplos mo. sa gabi'y iniisip ko kung hinahanap-hanap mo ba ang mga yapos ko. nangungulila ako, mahal, gusto kong marinig ang boses mo. gusto kong marinig muli ang mga salita mula sa labi mo, ang bawat kantsaw, pasaring, at mga salita ng paglalambing. mahal, uma-umaga'y inaabot ko ang selepono ko, ngunit maaalala kong wala na nga pala tayo. hindi ko na kailangang batiin ka ng magandang umaga at sabihin sayong mag-ingat ka papuntang opisina at kumain ka ng almusal. at hindi na rin ako makakatanggap ng anumang mensahe sa umaga na nagsasabing, 'pagkamulat pa lamang ng mga mata ko'y naisip na kita.'
oo, nangungulila ako at may mga araw na para bang hungkag ang buhay ko. walang ningning, walang kulay, walang pag-ibig na binubuhay. oo, tumigil na ang pag-agos ng mga luha. maliliit na lamang na patak ang minsang gumugulat sa akin. pero mahal, hindi ibig sabihin na dahil madalang ang luha ay wala na ang pait at sakit na nadarama ko. mahal, ganito pala ang sakit ng pagtatapos ng lahat, may kirot sa puso na para bang may hinugot na bagay mula rito.
maraming mga salita ang pilit kong ibinabaon sa kaibuturan ng puso't isipan ko. mga salitang walang kasaysayan kung sasambitin pa. marami akong mga salitang nilunok para lamang bigyang espasyo ang pagmamahal ko sa iyo. sa puntong ito, kailangan ko nang matutong harapin ang bawat araw na wala ka sa tabi ko. sa ngayo'y nangangapa pa ako, bukod sa puso kong may biyak ay kinakapa ko rin ang mga pangarap ko. paano nga ba magsisimulang muli?
kaya mahal, sikapin nating maging masaya. kahit na magkahiwalay na ang mga arko ng ating istorya. patuloy kitang mamahalin mula rito, sa kung nasaan ako. siguro'y mag-iibang anyo ang pag-ibig na ito. hinuhulma pa ang bago nitong porma. at hangga't hindi pa natatapos ang transpormasyon nito, nandito lamang ako't nangungulila sa iyo.
No comments:
Post a Comment